dog meat trade .com

a barbaric, insidious industry
pandemic in the Philippines
annihilating 500,000 dogs annually



home
|
facts
|
sign
|
donate
|
adopt
|
library
|
about us


 

Paano Iniluluto ang Asocena: Kasaysayan ng Pagkain ng Aso sa Pilipinas
(How to Cook Dog Meat: A Story of Dog Meat Eating in the Philippines)
by Gloria Esguerra Melencio
(continuation)

 

Paano Iniluluto ang Asocena

 

Isang bagong termino ang salitang asocenang sumulpot lamang nitong dekada 80. Lalong naging popular ang salitang ito bunsod ng isang pelikulang may titulong Azucena, idinirihe ni Carlos Siguion-Reyna at isinulat ni Enrique Ramos noong 2000. Tungkol sa pagkakatay ng alagang aso ang pelikulang ito. Bukambibig ito ng mga lalaking istambay sa kanto.

 

Sa paglipas ng panahon, naging espesyal na putahe ito sa Baguio City, Pampanga, Laguna, Iloilo at iba pang bahagi ng Kabisayaan. Kapag hinainan ka ng karneng kulay puti na may maninipis na taba &endash; hindi naman itsurang manok at hindi naman mukhang baboy &endash; kuwidaw ka. Lalo kang magduda kung napakaraming rekado ito upang pagtakpan ang amoy nito. Baka ito ang alaga mong si Bantay o si Butsukoy ng  kapitbahay.

 

Ganito ang paraan ng paghahanda nito:[24]

 

1. Siluin ang leeg ng nabiglang aso. Higitin itong mabilisan upang di makaiyak. Busalan ang bibig upang di makakagat. Ihagis sa nag-aabang na sasakyan kung ninakaw ito. Tumakas agad para di mahuli. Isilid naman sa sako kung binili ito sa kalapit-barangay. Pasanin sa likod.

 

2. Kapag nasa katayan na, itali ang aso sa poste. Huwag pansinin ang palahaw, alulong at iyak nito. Hatawin sa ulo ng dos por dos na may pako sa dulo. Gawing paulit-paulit ito hanggang  mangisay ang aso.

 

3. Kapag wala nang malay, ibitin ito patiwarik. Laslasin ang leeg. Itapat ang planggana sa ilalim upang sahurin ang dugo. Lagyan ito ng asin at bigas upang mamuo. "Kung kulay itim ang aso, direktang isahod ang bibig sa umaagos na sariwang dugo nito upang mainom. Nakagagaling ito sa tuberculosis."[25]

 

4. Kapag said na ang dugo. Sunugin ang balahibo nito sa pamamagitan ng suplete (flame thrower).

 

5. Ahitang mabuti hanggang sa lumabas ang kulay puti nitong balat. Ibaba sa pagkakabitin at tadtarin. Hugasan.

 

6. Ilagay sa kawa at pakuluan sa maraming suka sa loob ng isang oras upang mamatay ang mikrobyo at malansang amoy. Lagyan ng asin at konting tubig. Huwag haluin upang di mahilaw ang suka.

 

7. Hinaan ang apoy. Haluan ang pinakuluang karne ng aso ng patatas, toyo, at maraming paminta. Haluing mabuti. Hintaying maluto ang patatas.

 

8. Lagyan ng tomato sauce, tomato paste, garbanzos, green peas at maraming laurel.

 

9. Ihaing may kasamang maraming beer.

 

Pinaniniwalaan sa Baguio City, Ilocos, Pangasinan, Pampanga at Bulacan na nakapagpapainit ng katawan ang karne ng aso. Pinaniniwalaan naman sa Negros na nakapagpapagaling ng TB ang sariwang dugo ng kulay itim na aso.

 

Nakarating sa Kailokohan, Pampanga at Bulacan kung kaya maraming Ilocano, Pampango at Bulakenyo ang nagkakatay at kumakain ng aso hanggang sa kasalukuyan. Pero sa pagkakataong ito, mas pulutan at pagkain ang dahilan. Naglipana sa Baguio City ang mga restawran at kainang may putaheng asocena bago ideklarang ilegal ito. May mga puwesto din sa wet section ng Baguio City Market na may tindang karne ng aso.

 

Kahit na nagkaroon ng batas na Republic Act 8485 na nagbabawal sa pagkakatay ng aso, nanatili pa ring may kainan ng putaheng asocena at puwestong bilihan ng karne ng aso sa Baguio City. Laganap din ang paglabag sa batas sa buong Pilipinas. May kaugnayan ito sa batas na ipinatupad noong 1920 na nagbabalang "hot meat"[26] ang karne ng aso dahil sa pagkakaroon ng virus nitong hindi basta namamatay lamang sa pagpapakulo.Bukod pa rito ang kamatayang dulot kapag natiyempuhang may rabis ang asong kinatay at pinulutan.

 

Lantarang nagkakatay ng aso ang mga manginginom, walang mangahas na bawalan sila. Kahit mismong mga pulis na tagapagpatupad ng batas ay kumakain din ng aso.

 

Tinataya ng Linis-Gobyerno na 290,000 aso taun-taon ang kinakatay pampulutan sa buong Pilipinas. Madalas makahuli ng trak ng mga asong ibinibiyahe mula Batangas papuntang Baguio, o mula Iloilo papuntang Manila. Nagkakahalaga umano ito ng Php 174 milyon, malaking kita para sa mga taong nasa ilegal na kalakalang ito.[27]

------------

[24] Mila Tienda. Panayam, 60 minuto (San Jose Del Monte City, Bulacan, Disyembre 27, 2004)

[25] Juliet Corazon Patiño. Panayam, 30 minuto ( Quezon City, Enero 16, 2005)

[26] Nita Hontiveros-Lichauco

[27] www. linisgobyerno.org

 

<PREV | 1 | 2 | 3 | 4 | 5 | 6 | NEXT>

 

How You Can Help

Sign the petition

 

Donate to a non-profit

 

 

Adopt a pet

 


Privacy Policy Terms of Use Site Map